Puso
ang isa sa mga simbolo ng Valentine’s Day.
Pagmamahalan ang ibig sabihin ng dalawang pusong
tinuhog ng iisang palaso (arrow). Broken heart o
napunit na puso ang sumisimbolo sa nasawing pag-ibig.
Mayroon ding makikitang pusong may luha o dugong
tumutulo. Samantala, ang sacred heart naman ang
simbolo ng pag-ibig ng Diyos.
Ngunit
ang salitang “heart” ay hindi laging
maisasalin sa wikang Filipino bilang “puso.”
Halimbawa,
sa English phrase na “at the heart of…”
ang ibig sabihin nito ay “sa gitna ng...”
Gayundin sa “have a heart” na ang ibig
sabihin ay “maawa ka.” Nawawala sa salin
ang salitang “heart.”
Kapag
ganito na ang gamit sa salitang “heart,”
ang salin o translation dito ay hindi na agad-agad
na “puso.” Hindi na rin agad pag-ibig
ang nais nitong sabihin.
Mamamali
tayo ng salin sa “braveheart” kung sasabihin
nating “matapang na puso.” Sapat na
ang “matapang.” Gayundin sa “kindhearted;”
sapat na ang mabait, at kalabisan ang “mabait
na puso.”
‘Pag
may nagsabi sa atin na “please have a heart”
ang ibig sabihin ay maawa ka naman,” at hindi
magkapuso ka naman.
Pero
mayroon sa Filipino na “wala kang puso”
(heartless) na ang ibig sabihin ay wala kang awa
o hindi ka marunong mahabag o masama kang tao.
Kaya
nga ‘pag ipinagsama ang Filipinong “wala
kang puso,” ang aakmang pakiusap sa Ingles
ay “please have a heart.”
Mayroon
din tayong “pusong mamon.” Ang mamon
ay parang muffin na mas malambot. Kaya ang ibig
sabihin ng “pusong mamon” ay may malambot
na puso o maawain o madaling mahabag sa puntong
madaling maloko sa mga bagay na nakakaawa.
Higit
na aakma kung gayon ang “pusong mamon”
para sa “kindhearted.”
Kung
may pusong malambot, may pusong matigas; tulad sa
pagsasabing “kay tigas ng iyong puso.”
Ganoon din sa “pusong bato” o parang
bato ang iyong puso, na ang ibig sabihin ay hindi
marunong maawa; o puwede ring walang pakiramdam
sa hirap at dusa ng kapwa.
Bagaman
ang “heartfelt” ay pwede namang isalin
bilang “taos-puso,” kapag binalikan
natin ang “at the heart of…” ang
heart dito ay hindi na puso kundi, kalagitnaan.
Hinating
‘kapatid’
Nawala
na ang salitang puso. Para sa wikang Ingles, ang
“heart” ay parang sentro o kaibuturan
ng maraming bagay. Pero sa Pinoy, kapag kaibuturan
o kalalim-laliman na ang pinag-uusapan, hindi na
puso ang ginagamit; kundi, pusod o navel.
“Pusod
ng dagat” ang tawag ng Pinoy sa kailaliman
ng dagat (sea bed).
Bakit
ganoon?
Muli,
usaping kultural ito. Magiging katawa-tawa kung
isasalin ito sa Ingles bilang: “heart/navel
of the sea.” At gayunding mamamali ang “kama
o higaan ng dagat” para sa sea bed.
Ang pusod
para sa Pinoy ay nakakabit sa pagtingin niya sa
konsepto ng kanyang pagkatao. Halimbawa, ang salitang
“kapatid” o brother o sister ay nagmula
sa pagtingin ng Pinoy sa kanyang pinagmulan.
Ang salitang
“kapatid” ay mahahati sa dalawa: ang
lapi o affix na “ka” na ang ibig sabihin
ay may pagkapareho o shared; at ang salitang “patid”
na ang ibig sabihin ay “putol.”
Ngunit
saan parehong pinutol para maging pusod? Para maging
kapatid?
Mula
sa matulaing konsepto na pinutol mula sa parehong
inunan o umbilical cord. Kaya ang brother o sister
ay parehong nagmula sa iisang pinagmulan ng inunan,
ang ina.
Mula,
puso, tungo sa pusod, tungo sa iba pang laman-loob
at parte ng katawan, ang Pinoy ay may iba’t
ibang pakahulugan sa mga ito.
Halang ang bituka ang mga taong heartless.
Pwede
ring sabihing iba ang likaw (flow) ng bituka para
sa mga taong kakaiba ang pandama at pag-unawa; na
pwede ring sabihing heartless.
Maaaring
tawaging may mahinang sikmura ang mga taong hindi
bravehearted.
Samantala
ang matatapang naman ay masasabing may matatag o
matibay na dibdib.
Sinikmura
ang mga nagka-heartburn.
Usapang
lamang-loob
Ang mga
taong “walang apdo” ay mga taong hindi
pa nakatikim ng “heartache;” hindi nakaranas
ng pait ng buhay. Sa gayon, mahina sa gitna ng suliranin,
walang kabuhay-buhay, walang kwenta.
Malambot
ang tuhod; maitim ang buto, tengang kawali, mahaba
ang kamay, makipot na labi, at marami pang iba.
Ang paggamit
sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao bilang
pakahulugan sa iba’t ibang kalagayan at damdamin
ay hindi tanging pang-Pinoy lamang. Para sa ibang
kultura, iba rin ang pagtingin nila sa mga ito.
Pananaw
ng isang lipi ang dahilan dito.
Kaya
nga tayo may puso ng saging (banana blossom) pero
wala tayong artichoke heart. Mayroong flat fish
o sole (talampakan), pero “tampal pu_e”
naman sa Pinoy. Ang maliit na saging o senyorita
ay tinatawag nating “t_t_ng unggoy.”
Ang malaking sili (yong pangsigang) ay tinatawag
nating “siling pare” (alusyon na malaki
ang ari ng paring Kastila). Ganoon din sa isdang
“matang baka,” sa kabuteng “tengang
daga…”
At marami
pang iba.