I  Home  I  Entertainment  l  Lifestyle  l  Business  l  Places  l  Music  l  Sports  l  News  l
 
Advertise
Advertise
 
Bakit bigas? at hindi tinapay, patatas, mais, kamote o pasta?
 
SA kasalukuyan, nagtatalo pa ang mga nasa pamahalaan kung may krisis nga ba ng bigas o wala. Ang alam ng tao, halos walang mabiling murang bigas. Ang tinatawag na NFA rice na nasa presyong mga P18 bawat kilo ay makita’t dili sa mga tindahan. Ang tinatawag na commercial rice naman ay nasa mga P30 at higit pa; o halos doble ang presyo.

May mga nagsasabing ang mga NFA rice ay nire-repack para palabasing commercial rice, sa gayon, mas mataas ang presyo. Korupsyon na naman ang usapin dito.

Sa gitna ng mga pila sa pagbili ng murang bigas, nagkabuhol-buhol na ang paliwanag at solusyon ng pamahalaan. Walang krisis ng bigas dahil maraming bigas. Pero bakit mataas ang presyo? Dahil mataas ang farm input. Bakit mataas ang farm input? Ewan. Nasaan na ang NFA rice? Ewan. Kung may sapat na supply ng bigas, bakit binuksan ang walang-limit na importasyon ng bigas? Ewan.

Ang tiyak na sagot ay: galit na ang mga Pinoy dahil ang pangunahing pagkain natin ay hindi na natin kayang bilhin.

Pero bago tayo pumailanlang sa isyu ng pulitika, mainam sigurong itanong muna ang mga ito:

Bakit bigas? O, bakit kanin?

Bakit nga ba bigas/kanin ang ating pangunahing pagkain?

Mawala na ang ulam, ‘wag lang ang kanin. Ang kanin, pwedeng asinan at makakaraos na ang isang kainan. Isang pirasong tuyo na pinasirit sa suka at bawang, at sandamukal na kanin, pwede na. Isang bundok ng kaning sinabawan, solve na. Ang iba nga, ang ipinangsasabaw, na siyang ulam na rin, ay ‘yong mga instant mami na tig-pipitong piso.

Mas mahal ang pandesal

Bakit kanin at hindi tinapay? Hindi patatas, o mais, o kamote, o pasta?

Simple lang ang sagot. Walang trigo o wheat sa Pilipinas upang maging tinapay o pasta. Mainit ang Pilipinas para makapagtanim ng trigo. Imported ang ginagamit nating harina. Sa gayon, mas mahal.

Ang akala nga ng Pinoy, nakakatipid siya ng agahan kapag nagpapandesal na lamang siya. Ang P20 na pandesal ay hindi makakabusog sa dalawang tao. Samantala, ang presyong ito ay isang kilo na ng bigas na makakain ng pamilya ng apat o lima sa buong araw.

Ang simpleng spaghetti ay mga P30. Ito ‘yong panay pasta na binuhusan ng malabnaw na tomato sauce at binudburan ng mabibilang-sa-daliring giniling na karne; saka pinatamisan. Ang P30 ay magandang bigas na.

Ang patatas ay nagmumura sa ganito ring halaga at nagmamahal hanggang mga P50. At ang hinahamak na kamote ay presyong patatas din. Gayundin ang mais na tinatawag na sweet corn. Halos triple ang presyo ng mga ito kung ikukumpara sa bigas.

‘Di pa natin pinag-uusapan dito ang slice bread, mga sandwich, pizza, pansit, at ibang pagkain na mapagkukunan ng carbohydrates. ‘Di hamak na sobrang mahal ng mga ito. Pang-espesyal na okasyon, wika nga.

Kaya, sa kasalukuyang sitwasyon, ang pinakamura talagang pagkain ng Pinoy ay ang kanin; yaon ay kilo por kilo.

Kasaysayan ng bigas, kasaysayan natin  

Ngunit higit sa ito pa rin ang pinakamurang pagkain, ang bigas ay, kung baga, “nasa dugo na natin.”

Ang bigas ay bahagi na ng pagka-Pinoy natin. Sabi nga ng mga historian, archeologist at anthropologist, tuntunin mo ang kasaysayan ng bigas at matutunton mo ang kasaysayan ng ating lipi.

Ang bigas kasi ay isang halaman na kailangan ng matinding alaga para mapatubo at magkabunga. Maging dry o wet mang pagtatanim ng palay, inaalagaan ang halamang ito mula sa sobrang tubig, sobrang pagkatuyo, kalabang kulisap, damo at mga ibon. Ibig sabihin, ang pagtatanim ng bigas ay nangangahulugan ng pamamalagi o pagsettle ng tao sa isang lugar. Namamahay na ang tao at nababawasan na ang pag-asa niya ng pagkain mula sa pangangaso.

At dahil nakatigil na ang tao sa isang lugar, nabubuo ang mga komunidad. At mula rito ay ang istruktura ng komunidad na ito katulad ng pamumuno, mga alituntunin sa pamumuhay (na magiging mga batas), at mga kaugalian.

Kaalinsabay din ng pagtatanim at pag-ani ng bigas ang mga kagamitan sa pagsasaka at pag-iimbakan ng palay at bigas. Ang tinulisang piraso ng sanga na pinangtutusok sa lupa para maitanim ang palay ay mahahalinhan ng araro at suyod. At kapag may araro, may hayop na kailangang mai-domisticate para humila ng araro. At pag nag-ani, kailangan ng mga basket, bilao, banig, banga kamalig para paglagakan ng bigas.

Ang bigas din ang pinaka-komunal na halaman; yaon ay nangangailangan ng pagtutulungan ng maraming tao para maging maganda ang ani. Mula paglilinis ng bukid, pagtatanim, hanggang sa pag-aani, isang komunidad ang nagbabayanihan para sa halamang ito. Mula sa pagbabayanihang ito uusbong ang mga kaugaliang Pinoy: marunong makisama, hospitable, handing tumulong, at gayon din ang pagiging usisero.

Bigas bago pa si Kristo

Sinasabing batay sa pananaliksik, maaaring nagsimula ang pagtatanim ng bigas sa Pilipinas noon pang 3200 BC. Sa Cagayan (Andarayan) ang kinakitaan ng unang senyales sa pagtatanim ng palay; kakaiba sa pag-aani lamang ng palay mula sa wild.

Ngunit sasabihin ng antropologong si Robert Fox na hindi ginagamit ang kalabaw sa pagsasaka ng palay bago dumating ang mga Kastila. Dahil sa variety ng palay na pwedeng itanim sa tuyong lupa, higit ang pagtatanim sa paraan ng kaingin. Gawing 1700s lamang maoobserbahan ang paggamit ng kalabaw sa Luzon .

Ngunit mahalaga ring tingnan na sa tubigan na nagtatanim ang mga Bontoc, sa kilalang rice terraces. At noong mga 1800s, pinag-aralan ni Fr. Manuel Blanco ang pagtatanim ng palay. Dito naipakitang laganap ang pagtatanim ng iba’t ibang variety ng bigas sa kapuluan.

Kaya masusuportahan ng kasaysayan ang masasabing romansa ng Pinoy sa kanyang bigas. Palay, bigas, kanin, sinaing, lugaw, am, bahaw, sinangag, pinipig, galapong, at lahat ng uri ng suman at puto; ganyan karami ang pagkaing mula sa halamang ito.

Kaya “nasa dugo” na natin ang bigas.

Kaya rin pag hindi nalutas ng pamahalaan ang krisis sa bigas, baka araruhin sila ng batikos at galit.

 

 
NI LUNA SIY
 
l  About us  l  Gallery  l  Contact us  l  Links  l  Archive  l  Be a Publisher  l  Advertise  l  Classified  l
Copyright 2006. All Rights Reserved