NAWAWALAN
ako ng kaibigan. No, hindi siya nangibang bayan. Hindi
siya naglayas. Hindi siya nag-TNT. Hindi siya namatay.
Basta na lang siya nawala isang araw. Pero hindi siya
kusang nawala. Siya’y sapilitang iwinala.
Siya’y
dinukot ng mga di-kilalang tao sa may erya ng Pasig
noong gabi ng Mayo 15.
Matagal
ko nang kilala si Rando Felix Malayao, 39, taga-Isabela
sa Cagayan Valley. Unang nagtagpo ang aming mga
landas sa national conference ng College Editors
Guild of the Philippines (CEGP), noong 1990.
Kapwa
kami manunulat sa aming mga pahayagang pang-kampus.
Ako sa The Perspective ng UP Los Baños, siya
naman sa Ang Mangingisda ng UP Miag-ao, Iloilo.
Kapwa
rin kami mga student leaders. Ako noon ang regional
chairperson ng Southern Tagalog Chapter ng CEGP.
Si Randy naman ay aktibo sa local chapter ng Guild
sa Iloilo.
Muling
nag-krus ang aming mga landas noong CEGP national
conference sa Los Baños, taong 1991. Kapwa
na kaming editor in chief ng aming mga student publication.
Ako
ang hinalal na presidente ng Guild habang si Randy
ang hinalal bilang Vice President for the Visayas.
Mula
1991 hanggang 1994, kaming dalawa’y magkatuwang
sa paggampan ng aming mga tungkulin bilang executive
officials ng CEGP.
Si
Randy ang isa sa pinakamaaasahang lider ng Guild
noong panahon namin. Bibong-bibo at masikhay sa
gawain. Parang Energizer Bunny na hindi nawawalan
ng energy.
Halos
mag-isa niyang ibinangon ang mga chapter ng Guild
sa Iloilo, Aklan, Antique, Capiz, Bacolod at Dumaguete.
Hanggang Tacloban ay dumadayo si Randy para lang
mag-organisa at mabigyan ng tulong at gabay ang
mga campus journalists sa iba’t-ibang eskwelahan.
Randy
became synonymous to the Guild. Buong-buo niyang
ibinigay ang kanyang sarili para sa aming mga myembro.
Pati ang apartment na tinutuluyan niya sa Iloilo
ay naging de-facto opisina ng CEGP at tambayan ng
mga aktibista.
Tandang-tanda
ko pa nang minsang dumalaw ako sa Iloilo. Matapos
ikutin ang kung ilang eskwelahan para dalawin ang
mga student publications, kami ay pumunta sa pier
para sumakay sa barkong tatawid papuntang Bacolod.
Nahuli
kami ng dating sa pier. “Pwera bisita! Pwera
bisita!” sigaw ng kapitan. Tinanggal na ang
endamyo!
Subalit
hindi pwedeng hindi makasakay. Naghihintay ang mga
Guilders sa Bacolod na tutulungan naming magtayo
ng kanilang chapter.
Sa
isang iglap, nagtakbuhan kami at itinalon ang lumalaking
pagitan ng pier at barko. Pati ang kasama naming
sosyal na di-makabasag-pinggan na kolehiyala mula
sa St. Paul’s College ay napatili dahil muntik
nang mahulog sa tubig.
Ganun
ka-dedicated si Randy. Utlimong allowance galing
sa magulang ay gagamitin para lang sa pagsisilbi
sa kapwa estudyante.
Pero
sa kabila ng kanyang excellent leadership qualities,
napakasimpleng tao ni Randy.
Nang
minsang pumunta kami sa UP Miag-ao, ikinuwento n’ya
sa akin nang una siyang maligo sa dalampasigan doon.
Bagong salta siya galing Isabela, kung saan walang
dagat at puro ilog lang ang kanyang naliliguan.
“Pagtalon
ko sa dagat, nagulat ako,” natatawang sinabi
niya sa akin. “Bakit maalat ang tubig?”
Maraming
mga kasamahang babae at bading sa Guild ang may
crush kay Randy. Palibhasa’y tall, dark and
handsome.
Sa
“cultural night” ng isang Visayas-wide
assembly ng CEGP, nabiro kaming tatlo ni Randy at
regional chairperson ng Cebu na si Jong Cadileña
na mag-ala ramp model. Walang sinabi ang mga Bench
models sa aming pa-posing posing.
Kasabay
ng mag “ooh!” at “aah!”
ay ang hagalpakan sa tawa ng mga Guilders. Mula
noo’y ikinahiya na namin ang aming mga sarili
dahil sa aming pag-iilusyon.
Pero
di bale. Bumawi naman kami. Isinayaw namin ni Randy
ang “Magakbilaan” ni Joey Ayala at kami’y
umani ng mga papuri. Para daw kaming mga tunay na
mananayaw.
Marami
pa kaming pinagsamahan ni Randy. Subalit nauna akong
“grumadweyt” sa Guild. Naiwan pa si
Randy at nagsilbi hanggang 1995.
Matapos
noon, naghiwalay na kami ng mga landas. Bumalik
si Randy sa Isabela upang magsilbi naman sa kanyang
mga kababayan. Paminsan-minsan ay nagkakabalitaan
kami sa aming egroups.
Taong
2003 nang biglang bumulagta ang pangalan ni Randy
sa media. Siya daw ay pinaghihinalaang kasapi ng
rebeldeng kilusan. Idinawit ang pangalan niya sa
mga responsable umano sa pagpaslang sa dating congressman
at kilalang berdugo ng martial law na si Rodolfo
Aguinaldo.
Biniro
namin si Randy tungkol dito. Matagal nang modus
operandi ng mga otoridad na idawit ang mga aktibista
sa New People’s Army (NPA) para mapigilan
ang kanilang pagtulong sa kapwa. Ipinagkibit-balikat
lang ni Randy ang mga akusasyon at nagpatuloy siya
sa kanyang mga adhikain.
Fast
forward tayo sa Mayo 15, 2008. Dinukot si Randy
ng mga di-kilalang tao habang nakasakay siya sa
taxi papunta sa isang kamag-anak sa Pasig.
Ayon
sa kanyang huling nakausap, napansin na nilang may
tatlong lalaking nagmamanman sa kanila sa isang
restaurant. Hinala nila’y mga elemento ito
ng 5th Infantry Division ng Philippine Army.
Sa
kanyang huling mga text sa kanyang kamag-anak, sinabi
ni Randy na pagkagaling sa SM Megamall ay sumakay
siya ng taxi. Bandang 9:17 ng gabi, tinext niyang
may sumusunod sa kanya sa taxi.
Yun
na ang huling mensahe mula sa aking kaibigan.
Si
Randy ang ika-194 biktima ng sapilitang pagdukot
sa ilalim ng gobyernong Arroyo.
Kasama
ng kanyang mga pamilya at kamag-anak, ako’y
nangangamba sa kanyang kalagayan. Ano na kaya ang
sinapit ng aking mahal na kaibigan?
Kung
may nagawa mang mali o iligal si Randy, maling dukutin
siya at pahirapan o patayin. Ang dapat ay kasuhan
siya at igawad sa kanya ang kanyang mga karaptan
bilang akusado.
Dapat
ilitaw nila si Randy.