I  Home  I  Entertainment  l  Lifestyle  l  Business  l  Places  l  Music  l  Sports  l  News  l
 
Advertise
Advertise
 
Damaged nga ba ang kulturang Pinoy?
 
KUNG karaniwan nang gimmick venue ang mga mall at bar, kaiba ang naging lakad ko noong Biyernes, Marso 28, 2008, bandang alas-7:00 n.g. sa lobby ng PETA (Philippine Educational Th eater Association,). At hindi gimmick, totoong forum. “Transforming Damaged Culture” ang tema at sponsor ang PAGASA (Peoples Assembly for Genuine Alternative to Social Apathy.) Tagapagsalita sina: Professor Randy David, faculty member, Department of Sociology, University of the Philippines, kolumnista, Philippine Daily Inquirer; at G. Nicanor Perlas, president, Center for Alternative Development Initiatives (CADI) co-founder, PAGASA.

 

Sa itsura ng mga tao: halo ang paretiro nang mga propesyonal; mga nasa kalagitnaan ng buhay; at mga yuppie na bihis-artist. Kalalabas lang sa opisina ng mga may trabaho. Ang iba siguro ay nagpahinga muna sa tinatapos na sideline, o racket. Ngunit wala akong namataan na kabihis ni “Lyka,” taga-Davao na ni-recruit ng mga bayaw na magbenta ng bato o kidney, sa halagang walumpung libong piso, (P80,000.). Kahit ang bentahan ay aabot sa isandaang libo hanggang isandaan at dalawampung libong piso (P100,000-120,000.)

Siguro dahil sa Tondo, Montalban, Quezon Province, Camarines Sur at Norte, Samar, Surigao, Agusan del Sur, Cotabato, Zamboanga del Sur pa manggagaling ang mga “bato vendor” na ito. Tamang tama sana silang audience. Ang “tinahi na kultura” nila ay pwedeng sampol na ikumpara sa tema. Todo suporta ang mga beterano ng Peta, sila Dr. Nick Tiongson, Soxy Topacio at Nanding Josef, na nag-resign sa Cultural Center of the Philippines bilang pagpapakita ng suporta sa paghanap ng katotohanan sa likod ng mga patungpatong na isyu ng corruption na dumagan sa administrasyon ni Pgma.

Habang hinihintay na magsimula, nabalahibuan o namahay yata ako? Ewan. Sa bandang kaliwa, mula sa ibabang barandilya ng hagdanan paakyat sa second fl oor, hindi na ako nakausad. Naroon ang hilera ng mga silya, mics sa harap habang nakasabit sa likuran ang mga painting. Sa ganitong agwat ko na rin minasdan. Produkto ang mga ito ng Pagasa workshop mula nang maitatag wala pang isang taon. Karamihan ay nangingibabaw ang matitingkad na kulay. Hinugisan nang may kanya-kanyang indibidwalidad. Daming pwedeng gawing design ng t-shirt. Inokupa ng mga tao ang mga silya pagkatapos mahimagasan sa meryenda. Humabol ng upo si Representative Etta Rosales.

Isang pananahimik kasabay ng musika ng kalaleng, Igorot nosefl ute, ang hudyat ng pagbukas ng programa. Saka ipinalabas ang MTV tungkol sa isang binatilyong nagpalasebo ng pambansang banderitas. Lyrics ni Noel Cabangon, musika ng isang myembro ng Peta at direksyon ni Mae Paner. Galing!

Hanapbuhay, kalidad ng Pinoy?

Nagsimula ang lektyur ni Prof. David sa pamagat ng forum. Damaged Culture daw ang bansag ni James Fallows sa kultura nating mga Filipino. Ayon pa raw sa amerikanong awtor-journalist, walang national pride ang patungkol niya sa kultura natin. Ipinaliwanag pa ng propesor, na ang posisyon ng nagdeklara ay bilang tagamasid, observer, mula sa labas.

Lumawig ang diskusyon niya sa “will” ng indibidwal. Bawat kaisipan ng mga philosopher na i-quote niya ay nakapagpalalim ng mga sistemang ‘pinaliwanag. Mula sa “autopoiesis,” o pagkamalikhain ng sarili sang-ayon sa interaksyon niya sa kapwa-tao, lipunan at kalikasan, naaabot aniya ng mga indibidwal ang complexity ng sarili. Hanggang sa pagiging sambayanan, social o panlipunan, at ispiritwal ng mga tao.

May limampung Overseas Filipino Workers lang diumano noong 1974. Samantalang nasa siyam na milyon na ngayong 2008. Kung dati ay mga propesyunal ang karamihan sa kanila. Ngayon ay maaaring ganun pa rin. Pero ang trabaho ay malamang na mababa kaysa propesyon nila. Halimbawa, doctor na nag-apply maging nurse sa U.S. O kaya e, teacher na DH, caregiver, etc. sa kung saan mang sulok ng mundo.

Ang mga bato vendor, gaya ng mga OFW, ay may pampamilyang layunin din. Isama na ang mga ahenteng kumikita rin sa pagbubroker para sa mga pasyenteng foreigner, ay mga bagong pwersa rin ba sila ng hanapbuhay? Ang uri ng hanapbuhay ba ay makahulugan para alamin ang kalidad ng complexity ng indibidwal at mamamayang Filipino?

Mula kay Nietzsche, philosopher at makatang German, kung sinusino pa, hanggang kay Varela, romanticist na manunulat sa Brazil, humahagilap sa kanila ang propesor ng pananaw sa daigdig na bagay ipangsuri sa will, psychology at complexity ng diwang Filipino. Para mailugar sa ecology ng sangkatauhan na nakasasagap sa ugnayan ng kalikasan at divinity.

Ang world view ng quantum physics

Isa pang video ng Dakila, alliance ng mga artist, ang ipinalabas pagkatapos ni Prof. David. Sari-saring musiko mula mainstream at “independent” scene, mga NGO development worker, aktibista, kabataan at legislator ang mga ipinakitang sangkot sa recording. Ang tema ay tipong pagninilay at humihikayat ng pagbubuo ng bagong virtues at moralidad.

Aminado si G. Perlas na kailangang ibahin sa inihanda ang presentasyon niya. Maraming puntong nasagap naming tagapakinig kay Prof. David ay posibleng sumaklaw sa inihandang balangkas ng sariling lektyur ng Pagasa co-founder. O kaya, malayo ang kaibahan. Ganumpaman, iisa ang brilyo ng mga philosopher na hinalawan nila ng mga kaisipan. Mahalagang banggitin din, na ang paglapat sa karanasan ng hinalaw ay may kislap din ng sariling ningning.

Halimbawa, ang will, na isang feature ng saloobin ng indibidwal ay dinugtungan ni G. Perlas ng freedom. Ang autopoiesis ay maihahambing sa pakahulugan niya ng “liminality,” isang antas sa proseso ng sarili sa paglikha ng kabuluhan. Hanggang sa usapin ng ispiritwalidad. Na humahawig sa proseso ng unang tinalakay na complexity ng indibidwal.

Ganumpaman, kasabay ng mga pag-unlad ng indibidwal, lipunan, ecology at Divine ngayong twenty fi rst century, mahalaga aniya ang magkaroon ng mabisang world view. Pinakamalinaw na lente sa mga ito sa ngayon, diin pa niya, ay ang quantum physics. Sa pamamagitan ng syensyang ito, nakukwenta ng mga syentista ang lagay ng katiting na bagay sa isang tiyak na panahon. Kung ganun ay matataya rin ang kahit kailan na usad ng malaki. Maging ang mga ito ay alikabok, ispiritu, lipunan at divinity man. Ano ba ang kulturang Pilipino?

Simple lang ang pag-intindi sa complexity

Bandang alas-9:00 n.g. na natapos. May umigting agad na pamumuo ng tanong sa isip ko. Kumampante ang interes sa pormulasyon nang magkasunod na ale ang nagpahayag ng reaksyon. Senior citizen na ang una, sa tingin ko. Parang naglinaw ng pagkaintindi niya sa diskusyon. Saka nagpahayag na narirendahan niya ang journey ng sariling indibidwalidad sang-ayon sa mga prinsipyong natalakay. Ang isang paga-mahigit singkwenta yata ay nagsalaysay ng mga pag-aaral ng lenggwahe sa Europa at pagsali niya sa cast ng Vagina Monologues. Saka idineklara ang husay ng Filipino.

Dalawang mas batang kababaihan ulit ang lumapit sa mikropono. Parehong punto rin ng dalawang senyora ang sinabi ng una. Ang ikalawa ay naglahad ng obserbasyon na mapanganib, o nakaliligaw ang usapan dahil wala namang talakay kung ano ang kulturang Filipino. O kung anong ideolohiya mayroon ang isang kategorya ng mamamayan? Kung gaano ito ka-hegemonic sa ideolohiya at kultura ng iba pang kategorya? O kung ano nga ba ang tawag sa kulturang umuusbong, kung meron man? Samantala, ang realidad ko sa mga sandaling ‘yon ay hinahatak na ng isa pang lakad.

Ayon sa survey, tatlo sa limang kamaganak ng bawat isa sa siyam na milyong OFW ay gusto na ring sumibat. Dalawampu’t pitong milyon kapag pinarami. Tatlumpu’t anim na milyon naman kapag sabay-sabay silang lumipad. Ang mga bato vendor at ahente ay para sa mga kampilya at sa pasyente rin ang paghahanapbuhay. Universal at makatao ang kanilang kahulugan. Dakila ang kultura nila? Mayayamang foreigner kasi ang siniserbisyuhan nang direkta.

Panglima ang Pilipinas sa hotspot ng human organs selling. Mas mura ang kidney rito kaysa $20,000sa ibang bansa. Kundi sapat na pambakbak ng suya at pagwalambahala, o cynicism at apathy, ang mga world view na inilektyur, ang meron nga ba tayo ay damaged culture? Pero ang katutubong musika ng kalaleng ay may wisdom ang sinabi, “simple lang ang pag-intindi sa complexity.”

 
 
NI ABET UMIL
 
l  About us  l  Gallery  l  Contact us  l  Links  l  Archive  l  Be a Publisher  l  Advertise  l  Classified  l
Copyright 2006. All Rights Reserved