I  Home  I  Entertainment  l  Lifestyle  l  Business  l  Places  l  Music  l  Sports  l  News  l
 
Advertise
Advertise
 
Remembering Batibot
Sina Pong, Kiko, Irma, Manang Bola, at ang impluwensiya nila sa paggising ko nang maaga
Si Pong Pagong. Weee!
Kapag napag-uusapan ang kabataan, hindi ko malilimutan ang isang palabas noong dekada otsenta na nagturo sa akin hindi lang ng paraan ng paggising nang maaga kundi ng sarap at saya ng pagiging bata kung saan ang mga simpleng problema ay nasosolusyunan sa pamamagitan ng pag-awit, pagbibilang, pagsusulat at pagbabasa.

 

Kuya Bodjie
Ate Jojie
Kiko Matsing
Rene Villanueva
 
Kasabay na nakahiligan ko noon, tulad ng bisikleta, family computer at game & watch, ang isang palabas na naging kasalo namin sa almusal at naging kabuntot na ng kuwentuhan bago pumasok pa man sa eskwela—ang Batibot.

Pagmulat ng mata

Ang Batibot ay isang educational TV show na unang inere noong 1984. Kilala ito bilang pinaghalu-halong kantahan, kasiyahan, kwentuhan, at kasanayan sa pag-aaral ng pagbasa at pagsulat. Ito ay iprinodyus ng Philippine Children’s Television Foundation, Inc. (PCTVF).

Nanggaling sa lumang Tagalog na ang kahulugan ay “maliit ngunit malakas at makisig”, ang Batibot ay itinuturing na pinakapopular at pinakamatagal at mahabang programang pambata na inere sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ito ang kauna-unahang Filipino ETV (educational TV) program na direktang tinatangkilik hindi lang ng mga batang manonood maging ng mga magulang na nais turuan ang kanilang anak sa iba’t ibang aspeto ng kanilang paglaki at pag-unlad—pisikal, mental, moral, cultural, social at environmental.

Ang mga bida sa likod ng tela

May karakter na pagong kaya may matsing, may manghuhula, may mapagmahal na magkapatid, may artista at syempre may director, at hindi mawawala ang alien at ang superhero. Lahat ng ‘yan matatagpuan natin bilang mga popular na karakter sa Batibot.

Marahil kung tatanungin ako kung natatandaan at kilala ko pa ang mga nabanggit sa itaas, isang malaking OO ang isasagot ko dyan.

Kasabay ng pagkatuto ko kung paano gumamit ng kutsara at tinidor ang pagkabisado ko sa mga pangalan at karakter ng bawat isang kumakatawan sa bawat aspeto ng kulturang Pilipino.

• Pong Pagong. Si Pong ay isang mataba at malaking pagong na nakausot ng baseball cap. Siya ang karaniwang bida sa mga kuwento at laging nakikitang kausap ng mga bata. Ang tanging mascot sa lahat ng muppets, nakaaaliw ang kanyang tinig lalo na kapag sinasabi niya ang “Weeeeee!” habang humahaba ang leeg.

• Kiko Matsing. Siya ang matsing na mala-Oscar the Grouch ng Sesame Street. Nasa loob siya palagi ng kanyang tindahan at siya ang laging kasama at kakuwentuhan ni Pong at ng mga bata tugkol sa mga kabutihang-asal.

• Manang Bola. Siya ang makakalimuting manghuhula. Mahilig niyang iasa ang mga kasagutan sa mga tanong sa kanyang bolang kristal. Paborito niyang linya ang “Perlas na bilog, huwag tutulog-tulog, sabihin kaagad sa akin ang sagot…Ba-be-bi-bo-bu…”

• Ning-ning at Ging-ging. Sila ang magkapatid na mapagmahal sa isa’t isa. Magkahawig sila ng mukha maliban lang sa ayos ng buhok at pananamit. Si Ning-ning na mas nakatatanda kay Ging-ging ay tahimik at seryoso samantalang kabaligtaran naman nito ang kapatid na makulit at mapaglaro.

• Kapitan Basa. Siya ang tanging superhero na mahilig magbasa. Hugis aklat ang maskara niya sa mata at tulad ng isang superhero ay may kapa at nakalilipad din siya. Tinuturuan niya ang mga bata ng kahalagahan ng pagbabasa sa pamamagitan ng mahiwagang aklat niya.

• Irma Daldal. Isa siyang maarte at mapormang artista ng Batibot. Ang pangalan niya ay hango sa pagiging mayabang at madaldal niya tungkol sa kanyang kasikatan dahil sa pagtulong ni Direk (isa ding karakter) na pinangakuan siya ng kasikatan.

• Sitsiritsit at Alibangbang. Sila ang mga magkamukhang alien na hango ang pangalan mula sa Filipino song “Sitsiritsit Alibangbang” kung saan natutuwa sila sa paglalakbay at pagtuklas ng mga bagay-bagay, lugar at mga tao sa paligid nila.

• Smokey and the Boondocks. Isa silang grupo ng banda ng mga muppets na kumakanta habang nagpapaalala sa mga bata ng kahalagahan ng mga bundok, kapatagan, dagat at ilog sa sambayanan.. Karaniwang may kinalaman sa pagpapanatili ng kaayusan at kagandan ng mga likas na yaman ang tinatalakay sa kanilang kanta.

Ang mga ate at kuya

Bago pa man nauso ang pagtawag nilang Kuya kay Pinoy Big Brother o kay Ate Isay ng ATBP, may ipinagmamalaki na kaming mga Ate at Kuya sa Batibot—walang iba kundi sina Kuya Bodjie, Ate Sienna, at Ate Joji.

• Kuya Bodjie. Siya ang isa sa mga orihinal na cast ng Batibot at isang dakilang kwentista ng mga alamat at mga kuwentong pambata. Karaniwan kapag nagkukuwento na siya ay naglalapitan na ang mga bata sa kanya at pumapaikot sa puno ng Batibot. Hindi makakailang sumikat ang pangalan niya dahil sa galing sa “voice narration and characterization”.

• Ate Sienna. Siyempre kung may Kuya, may Ate din ang Batibot. At ito ay walang iba kundi si Ate Sienna. Isa siya sa mga nagtuturo ng mga mahahalagang kaalaman na matatagpuan sa Batibot, pero mas mahalaga ang ibinabahagi niyang kabutihang asal kaya naman hindi kataka-takang kinagiliwan din siya ng mga bata.

• ATE JOJI. Naging popular si Ate Joji dahil sa “Palaisipan” segment ng Batibot kung saan siya ang nakatoka sa pagbibilang ng mga numero at pagkukuwenta.

Ang utak sa likod ng palabas

Ang Batibot ay “brainchild” program ng isang kilalang manunulat ng sanaysay, maikling kuwento, kuwentong pambata, play, at maging sa telebisyon—si Rene Villanueva. Siya rin ang lumikha ng lyrics ng Batibot sa saliw ng musika ni Louie Ocampo.

Ginawaran siya ng Gawad CCP Para sa Sining (Literatura) at pinarangalan bilang Pinakamahusay na Alagad ng Sining sa 2005 Gawad Chanselor sa UP. Itinuturing siyang alamat pagdating sa isa sa pinakapopular na patimpalak sa larangan ng literatura, ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature dahil siya ang may hawak ng pinakamaraming bilang ng natamong karangalan mula sa Palanca sa buong kasaysayan nito. Kabilang din siya sa unang batch ng manunulat na iniluklok sa Hall of Fame ng Palanca Awards. Pumanaw siya noong Disyembre 5, 2007 dahil sa cardiac arrest. Ngunit para sa lahat ng naging guro, kaibigan, kasama, at idolong gaya ko, mananatili siyang isang inspirasyon at alagad sa mundo ng sining at literatura.

Ang mga aral at turo

Malaking impluwensya ang mga palabas para sa mga batang tulad ko noon dahil bihira para sa isang simpleng pamilya noong mga panahong iyon ang magmay-ari ng isang telebisyon.

Ngunit pinatunayan ng Batibot na hindi lang sila basta nabuhay, umusbong at tinangkilik bilang isang simpleng programang pambata sa umaga kundi ginawang sandigan ng kaalaman, at ehemplo ng mga tamang gawi at asal ng isang mabuting batang Pilipino.

Kaya naman hindi matatawaran ang sampung dekada nilang pamamayagpag sa telebisyon kasama pa ang humigit-kumulang na 20 gantimpala at papuring tinanggap nila hindi lang sa loob ng bansa maging mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Marahil, kahit sa sarili ko, hindi ko makakailang ang Batibot ang nagturo sa akin hindi lang ng unang hakbang sa pagbasa at tamang pagsulat kundi ng tunay na kagandahan at kahalagahan ng pagiging batang Pinoy.

Kaya naman, para sa iba na ipinanganak noong dekada nobenta pataas, hindi na nila naabutan ang tuwa at saya sa paggising sa umaga kasabay ng pagsawsaw ng masarap na pandesal sa mainit na kape habang nakapako ang mata sa telebisyon at naririnig ang:

Pagmulat ng mata, langit nakatawa
Sa Batibot, sa Batibot
Tayo nang magpunta,Tuklasin sa Batibot
Ang tuwa, ang saya.

Ang artikulong ito ay alay kay RENE VILLANUEVA, isa sa mga paborito at hinahangaan kong manunulat sa mundo ng panitikang Pilipino

 
 
Isang pagbabalik tanaw ni Jerome Zamora
 
l  About us  l  Gallery  l  Contact us  l  Links  l  Archive  l  Be a Publisher  l  Advertise  l  Classified  l
Copyright 2006. All Rights Reserved