Halimbawa
na lang, laging laman ng mga tabloid ang mga balita
sa away hanggang patayan na ang dahilan ay nagkatinginan
lamang. Tiningnan nang mata sa mata ng lalaki ang
kapwa lalaki, nagkagulo na. Parang nakakalalaki
ang pagtingin nang mata sa mata.
Tiningnan
ng lalaki ang babae sa ibaba ng ulo ng babae, nagkagulo
na. May kabastusan kasi.
Tiningnan
ng lalaki ang babae sa mata, pwedeng gulo ang sasapitin
niyan. Parang nanliligaw kasi.
Tiningnan
ng babae ang lalaki, gulo yan. Para kasing nang-aakit.
Tiningnan ng bakla ang lalaki, pang-aakit din yan.
Tiningnan ng tomboy ang lalaki, gulo yan; nakakalalaki
kasi.
Kaya
ang Pinoy, obserbahan nating mabuti, hindi siya
tumitingin sa mata kapag nakikipag-usap. Kung hindi
nakayuko ay tagusan ang tingin, o sa malayo nakatingin
na parang hindi nakikinig.
Obserbahan
pa natin… sa loob ng jeep, saan tayo tumitingin?
Hindi sa kapwa pasahero, baka pagkamalan pa tayong
holdaper o naninilip. Kaya titingin na lang tayo
sa labas, sa sahig, sa kisame, sa mga nakasulat
sa jeep, o maglalabas ng mababasa, o magtutulug-tulugan
na lang.
Hangga’t
maaari ay ayaw nating tumingin sa kaharap natin.
Pero obserbahan din natin, kapag tapos nang kausapin
o ipakilala, saka pa lang titingin.
Lalo
na kung mababa ang antas ng isang tao. Halimbawa
ay mahirap sa mayaman. Ang mahirap ay parang walang
karapatang tumingin sa mayaman. Ang mayaman lamang
ang pwedeng tumingin. Ang bata ay lumalabas na walang
galang kung titingnan niya ang nakatatanda.
Pero
mahilig talaga tayong tumingin. Kapag may aksidente,
sakuna, away, artista, at kung ano pang palabas
o pangyayari, naroroon ang pagka-usyoso ng Pinoy.
Naroroong nagkakatrapik dahil sa patingin-tingin
sa nadaanang banggaan. Naroroong naglalabasan ang
mga tao dahil may dumating na artista o politiko
o kung anumang pinagkakainteresahan niya. Di nga
ba’t noong mga unang taon ng Pangulong Cory,
nang sunod-sunod na magkaroon ng coup, naroroon
ang Pinoy sa gilid at gitna ng mga sundalong nagbabarilan
at tangkeng nagbobombahan. Nakikitingin lang naman
sila.
Iba-iba
rin ang pakahulugan natin sa salitang tingin.
Masdan
ang pag-uusap na ito:
A: Bakit
daw nag-away si Pedro at Maria? Akala ko ba NAGKAKATINGINAN
na sila.”
B: TITINGIN-TINGIN
kasi si Pedro sa iba.
A: Binigyan
tuloy ni Maria si Pedro ng MASAMANG TINGIN. E hindi
makuha sa ISANG TINGIN si Pedro, ayon nag-away.
B: Ano
SA TINGIN MO, magkakabalikan pa kaya?
A; TINGNAN
natin.
B: Sa
BIGLANG TINGIN, baka hindi. TINGNAN mo, selosa kasi
si Maria.
Ang ibig
sabihin ng “nagkakatinginan” ay mayroon
na silang relasyon. Ang “titingin-tingin”
ay palihim na pagtingin o pasulyap-sulyap. Ang “masamang
tingin” ay isang manipestasyon ng galit. Ang
“isang tingin” ay tungkol sa isang senyas
lang o isang pahiwatig; Ang “sa tingin mo”
ay tungkol sa iyong opinyon. Ang “tingnan
natin” ay pareho sa subukin o “let’s
see.” Ang “biglang tingin” ay
tungkol sa mabilis na pagbibigay ng pasya o opinyon.
At ang “tingnan mo” ay panimula ng paglilinaw.
Kasama
rin dito ang “maliit/malaki o mababa/mataas
ang tingin” bilang simbolo ng paggalang o
hindi; “masakit tumingin’ ; “nakakatunaw
tumingin”; “nakakabaklang tumingin”;
“may matitingnan” o may future; lingon
o pagtingin sa likuran o nagdaan.
Ang Pinoy
lang din ang gumagamit ng tingin bilang kahalili
ng salita. Masdan natin kapag nagkasalubong ang
dalawang Pinoy. Magtitinginan ang mga yan, itataas
ang kilay kasabay ng pagtaas ng ulo. Ang ibig sabihin
noon ay “kumusta ka?” Ang sagot naman
ay “Ok lang. Ikaw din, kumusta.” Pero
hindi sila nagsasalitaan.
Mahilig
din tayong Pinoy sa “beautiful eyes.”
Ang kawawang baby ay laging pinabyu-beautiful eyes
na para bang ang pagpapapungay ng mata ay tanda
ng kagandahan.
Ang tingin
ay kaakibat din ng mga salitang “mata at kita”
dahil ang mata ang ginagamit sa pagtingin at ang
natitingnan ay yong nakikita.
Kaya,
gayon ding maraming kakabit na kahulugan sa mata
at kita. Ilan sa halimbawa ay ang matang manok (malabo
ang tingin kapag dumidilim), nangmamata o minamata
(minamaliit), matang baka (uri ng isda na may malaking
mata), kisapmata (saglit), malikmata (parang na-magic).
Dahil
sa iba’t ibang pakahulugan sa tingin/mata/kita,
nagagawang biro na ito. Halimbawa: Ano ang pagkakahalintulad
ng duling at Intsik? Ang sagot ay pareho silang
doble ang kita. Ang kita bilang ang pisikal na nakikita,
at ang kita bilang tubo sa negosyo.
Sa ano’t
anuman, ‘wag na ‘wag titingin nang diretso
sa mata ng Pinoy. Malilito lamang ang tumingin sa
mata ng Pinoy dahil iba-iba ang magiging reaksyon
niya. Baka bigla siyang suntukin o sampalin, tingalain
o hindi igalang, kausapin o irapan, kaawaan o mayabangan,
at marami pang iba.
Para
sa Pinoy, tulad din ng maraming body language niya,
ang pagtingin ay isang kaugalian. At dahil walang
salitang nabitawan o narinig, ang mga body language
tulad ng pagtingin ay sagradong gawi o ugali niya.
Kailangang makilala muna nang husto ang isang tao
bago siya ay matingnan nang mata sa mata.
Yung
mga body language ng Pinoy, sa susunod na lang yon.
Samantala, gaya ng kaugalian ng Pinoy: See You.