|
| |
Sino
pa si Rizal? |
|
|
| |
Pabilisan. |
| ____________________________________________________________ |
| |
Pag sinabi
ang pangalang Jose Rizal, ano-ano ang mga naiisip
natin?
Bayani. Binaril sa Luneta. Noli at Fili. Doktor…
Ano-ano pa?
‘Yun lang? Bakit nga ba siya naging bayani?
Bakit siya binaril sa Luneta o ang dating Bagumbayan?
Nabasa na nga ba natin ang Noli Me Tangere at El
Filibusterismo. Doktor nga ba siya?
Ang punto ay… baka halos hindi natin siya
kilala gayong Pambansang Bayani pa naman natin siya.
Marami tayong tinatanggap na lamang ngunit hindi
naman natin nabubusisi.
O sige, maalaala natin ang Huling Paalam o Mi Ultimo
Adios; taga-Calamba siya; maraming kalyeng ipinangalan
sa kanya; maraming rebulto ang itinayo para sa kanya
(na kadalasan ay naka-mahabang coat siya kahit nakabilad
sa araw ang estatuwa niya).
O sige, naaalala na natin ‘yong tula niya
tungkol sa wika at malansang isda. “Sa Aking
mga Kabata” ang titulo nito at sinasabing
walong taong gulang lamang siya nang sulatin niya
ito. Isang henyo.
Pero ang tulang ito ay pinagdududahang kanya talaga.
Sumulpot kasi ang tulang ito nang patay na si Rizal.
Sinabi lang na sa kanya ito. Sa pag-aaral ni Nilo
Ocampo (propesor sa UP Diliman), tinukoy niya ang
isang malinaw na pagdududa. Sa liham ni Rizal sa
kanyang pamilya, nabanggit ni Rizal na nahirapan
siyang isalin ang salitang “freiheit”
mula sa wikang German.
Sabi ni Rizal, hiniram niya kay Marcelo del Pilar
ang salitang kalayaan para itumbas sa salitang “freiheit.”
Waring hindi pa niya nagagamit ang salitang kalayaan.
Pero sa tulang “Sa Aking Mga Kabata”
(na nasulat, di umano niya, noong walong taon pa
lang siya), may dalawang banggit na ng salita tungkol
sa kalayaan.
Kaya tuloy napagdudahang si Rizal, na walong taong
gulang lang, ang nagsulat ng nasabing tula.
Nagta-translate o nagsasalin kasi si Rizal nang
mga panahong iyon. Opo, maraming nasalin si Rizal;
dahil maraming wika siyang alam. Sa pagkakataong
iyon, isinasalin niya ang William Tell at doon niya
nakaharap ang salitang “freiheit.”
Isinalin din ni Rizal ang mga kuwentong pambata
ni Hans Christian Andersen. Ang mga ito ay ang:
“Ang Punu ng Pino”; “Si Gahinlalaki”;
“Ang Pangit na Sisiw ng Pato”; “Ang
Sugu,” at “Ang Batang Babaeng May Dalang
Sakafuego.”
Higit na kilala natin ang mga ito sa wikang Ingles:
“The Fir Tree,” “Thumbelina,”
“The Ugly Duckling,” “The Angel,”
at “The Little Match Girl.” Panahon
na ito ng mga Amerikano nang makilala ng Pilipinas
ang mga kuwentong pambatang ito. Ngunit naunahan
na ni Rizal ang mga ito.
Isinalin ni Rizal ang mga ito para sa kanyang mga
pamangkin na wala man lang children’s story
na nababasa. Kaya lumalabas na pwedeng tawagin si
Rizal na “ama” ng kuwentong pambata;
at pwede ring masabi na “ama” ng pagsasalin.
Kasama ng mga saling ito ay ang drawing niya sa
kuwento ng “Ang Pagong at ang Matsing.”
Idrinowing niya ito sa anyo ng mga frames. Parang
komiks. At gayon na nga, si Rizal ang kauna-unahang
gumawa ng komiks sa Pilipinas. Kaya rin kinikilala
si Rizal bilang “ama” ng komiks sa Pilipinas.
Sino pa si Rizal?
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, isa rin siyang
iskultor. Halos limampung busto, estatuwa, at iba
pa ang kanyang nililok.
Isa rin siyang pintor at tagaguhit. Gumamit siya
ng oil, watercolor, pen and ink at crayola para
sa maraming painting at sketches niya ng mga tao
at lugar.
Bukod sa mahigit na 20 wika na kanyang nagagamit,
isa rin si Rizal sa mga nauna, kundi man una na
nga, na nag-aral sa agham ng wika o linguistics.
Ang wikang Tagalog ay isa sa masusi niyang pinag-aralan.
Syempre ang kanyang masugid na pag-aaral sa kasaysayan
ng Pilipinas, at sa kultura nito ay maaaring maglagay
sa kanya bilang historiador, antropologo at sociologist.
Magaling siya sa baril, espada, at iba pang sports
tulad ng chess o ahedres.
Sa Dapitan, ipinakita niya ang kanyang kaalaman
sa pagsasaka at paghahayupan. Sa katunayan, nag-import
pa siya ng “makabagong” gamit sa pagsasaka
mula sa Amerika.
Isa siyang guro na hindi lamang naglalayong magturo;
bagkus, naglalayong magtayo ng mga eskwelahan.
At syempre, isa siyang makabayan na instrumental
sa pagbubuo ng konsepto ng ating pagkamakabansa
o nationalism. Labis na mahalaga ang aspektong ito
dahil sa mga panahong iyon, bagamat may bansang
tinatawag na Filipinas, hindi naman makita ng mga
ninuno natin ang kanilang sarili bilang mamamayan
ng bansang ito.
Tinatawag ng ating mga ninuno ang kanilang sarili
bilang Tagalog, Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Manobo
at kung ano pang tribung kanilang kinabibilangan.
Ang salitang Filipino ay para lamang sa mga mayayamang
mamamayan noon.
Ngunit dahil naipakita ni Rizal ang pangangailangan
ng pagtingin sa antas ng bansa at hindi sa antas
ng rehiyon o tribu o maliit na bayan, naging bahagi
si Rizal sa pagbubuo ng pagtingin ng ating mga ninuno
bilang bahagi ng iisang bansa; sa gayon, pagbubuo
ng nasyon o nasyonalismo.
Sa dinami-dami ng kanyang kakayanan, marahil ito
ang pangunahing dahilan kung bakit kinatakutan siya
ng mga Kastila; yaon ay, isang henyo ang hindi nila
kayang loko-lokohin at siyang makakalikha ng pagkakaisa
ng mga inaping Pilipino noon.
Para nga sa ibang Pilipino, si Rizal ay isang Diyos.
Ito ‘yong mga tinatawag na generic na katawagang
Rizalista. Para sa ibang hayop, ang salitang Rizal
ay nakadugtong sa kanilang katawagan: Draco Rizali
(Wandolleck), isang uri ng lumilipad na lizard o
“dragon”, Rachophorous Rizali (Boetger),
isang uri ng palaka, at ang Apogonia Rizali (Heller),
isang uri ng uwang o beetle, na lahat ay ipinangalan
sa kanya.
Sa ano at ano man, minsan sa lupain ng Pilipinas,
may isang Jose Rizal na dumating, nangarap at nagsikap
upang ang Pilipinas ay maging marangal at maunlad.
Ngunit wari rin ngayon na siya ay limot na natin.
|
| |
| |
| by
Reuel Molina Aguila |
| |
|
|