NOONG
hindi pa nauuso ang videoke, at ang mayroon pa lamang
ay ang karaoke, kadalasang biro noon ay: pinipilit
pa ang isang Pinoy na pumili ng kanta sa karaoke para
naman makisalo sa kantahan; tatanggi ang Pinoy dahil
hindi raw siya handa; pero sabay dukot ng cassette
tape at magsasabing “Sa side B, pangatlong kanta…
naka-cue na yan.”
Nang
mauso naman ang videoke at ngayon ay ang tinatawag
na Magic Sing, halos lahat na yata ng okasyon ay hindi
kumpleto kung walang kantahan: mula sa panganganak,
binyag, kumpil, birthday, anibersaryo, graduation,
reunion, kasal, hanggang kamatayan at burol, bakasyon,
Pasko, Mahal na Araw, pista, Araw ng mga Patay, o
basta may umpukan.
Gayundin
sa halos lahat ng lugar at sulok, parang alikabok
yan ng Pilipinas na laging naririyan: sa bahay, sa
restaurant, sa kariderya, sa beerhouse, hanggang sa
mall na siya nang naging pambansang pasyalan ng mga
Pinoy.
Lumabas
ka ng Pilipinas, at kapag Pinoy ka, tiyak na mahihilingan
kang kumanta. Dahil na rin ito sa katanyagan at tagumpay
ng mga mang-aawit na Pinoy: maging Japayuki man yan,
o banda sa kung anong club sa ibang bansa, o sa barko,
o sa tinatawag na legitimate stage (gaya ng pagtatagumpay
ni Lea Salonga), o mga pakontes sa kung anumang sulok
ng daigdig.
Kaya
kung minsan, mahirap maging Pinoy. Para bang dahil
Pinoy ka ay inaasahang magaling ka nang kumanta. Kaya
ayun, biglaan, mapapakanta tayo sa kung anumang umpukang
ating nadaluhan. Syempre, matapos nating kumanta,
bilib na bilib ang mga dayuhan. At hindi pa tayo handa
niyan, ha! Pero kung tutuusin, tulad ng biro noong
panahon ng karaoke, ang katotohanan niyan ay kahit
papaano, nakapag-ensayo na rin tayo sa ating bahay:
kung hindi man habang naliligo, habang nagluluto,
naglilinis, nagpapatulog ng bata, nag-aaral, nanood
ng TV, at ang iba nga, habang nagsisipilyo ay nagha-hum
pa.
At
kapag ang makina ng videoke ay yong tipong hinuhulugan
ng token at may fanfare at score makatapos ng pagkanta,
lalong lumalakas ang kantsawan; at gayon ding lumalakas
ang loob ng kung sino man na mahigitan ang score ng
kung sinong naunang kumanta.
Pinoy
tayo at kailangang itaguyod ang bandila ng kahiligan
o kahusayan sa pagkanta. Kumbaga, nasa dugo na natin
yan.
Nasa
dugo na nga ba natin ang pagkanta?
Nang
dumating ang mga Kastila, isa sa mga bagay na ikinagulat
nila ay ang kahiligan natin sa pag-awit.
Kahit
saan sila magpunta, naroroon ang Pinoy (syempre hindi
pa Pinoy ang tawag sa kanila noon) na laging may kanta:
sa pagtatrabaho sa bukid o sa ilog o dagat, sa pagpapatulog
ng bata, sa pag-inom o pagre-relax, sa burol, sa pagsilang,
sa pag-ani… parang sa kasalukuyan, halos lahat
ng gawain ng Pinoy noon ay may awit.
Sa
katunayan, nakapagtala sa Vocabularyo de la lengua
Tagala ng mga 16 na uri ng awit; maliban pa ito sa
sangkatutak na mga tula na gayon ding kabahagi ng
buhay ng Pinoy.
Ang
mga awit na ito ay hindi lang sa mga Tagalog napansin.
Pati sa iba pang vocabularyo o diksyonaryong ginawa
ng mga prayle noong mga unang siglo ng kanilang pananakop
ay naglalaman din ng magkakatulad na uri ng awit.
Sa katunayan, bilang pagkilala sa lakas ng pag-awit
sa kultura ng Pinoy, ang pagpapalaganap ng Kristianismo
ay ipinadaloy ng mga Kastila sa pamamagitan ng awit.
Ito ay ang Pasyon na magpahanggang ngayon ay inaawit;
at binabago pa nga ang tono upang makapagpatuloy ng
tradisyon.
Pero
syempre, ang pinakatampok sa mga ito ay ang mga awit
sa pag-ibig. At kahit hindi na natin makukuha ang
eksaktong tono ng mga awit na ito, maaari nating sabihin
na ang himig ng mga awit na ito ay sumanib na sa tono
ng mga awit na dala ng mga Kastila, at maging ng mga
Amerikano makatapos ng ilan pang siglo.
Pagsanib
Ang
pinakamatingkad na halimbawa rito ay ang kundiman
natin na masasabing paghahalo ng sinaunang awit at
impluwensya ng mga awit Europeo na dala ng mga Kastila.
Sinasabi pa nga na ang mga “makabagong”
kundiman (mga circa unang dekada ng ika-20 siglo)
ay may impluwensya ng mga opera ng Europa.
Malalamyos,
masisigla ang ating mga awit noon kung ang pagbabatayan
ay ang uyaying “Ili, ili” ng Kabisayaan,
at ang haranang “Manang Biday” ng Kailokohan.
Sa anu’t ano man, masasabing “singable”
ang mga awit natin mula noon hanggang ngayon. ‘Yun
bang may malinaw na melody na pwedeng sabayan ninuman.
Kaya
naman, kapag may awitan, kahit sino ay nakakalahok
sa pag-awit. At ang pakikilahok na ito, dahil nga
madaling awitin ang kanta, ang siyang lalong nagpaparami
ng mga nahihilig sa pagkanta.
Parang
ano yan, e; ‘yon bang, kung kaya ng isang taong
ito na kumanta, aba, ay kaya ko rin. Kung ganoon lang
ang standard ng pagkanta, sa loob-loob natin, baka
mas magaling pa tayo dyan. At ayun, kapag nasimulan
ang kantahan, noon man o ngayon, hala, birit na. Wala
nang bitawan sa mikropono.
Nang
dumating naman ang mga Amerikano, isa sa mga bagay
na nakagimbal sa kanila ay ang obserbasyong halos
lahat yata ng bayan o purok o tumpok ng kabahayan
ay may mga manunugtog. At syempre, kapag may manunugtog,
may awitan (at sayawan).
Nang
ipakilala ng mga Amerikano ang kanilang mga awit (jazz,
ragtime, at lalo na ang mga sentimental na mga awit
nina Bing Crosby, Pat Boone at Sinatra) madaling naka-adjust
ang mga Pinoy. Ang mga sentimental na awit ay kahawig
lang ng mga kundiman. Ang jazz at ragtime ay para
lang mga awit na panayaw. Kaya nang pumutok ang rock
and roll, walang kapawis-pawis na naka-adjust ang
Pinoy.
Naka-adjust,
hindi; baka ang mas tumpak na salita ay nagaya o naangkin.
Kaya nagkaroon tayo ng “blank-blank of the Philippines.”
Halimbawa ay Elvis Presley of the Philippines.
Kaya
sa halip na malupig nang tuluyan ang Pinoy ng mga
dayuhan, pinaloob niya ang mga impluwensyang ito upang
pandayin at gawing Pinoy na Pinoy. At sa kinalaunan
ay nakagawa ang Pinoy ng kakaibang uri ng kultura
mula sa pagsasanib ng maraming impluwensya: at naging
mahilig at magaling sa kantahan ang Pinoy.
Kaya
sa mga nagtatanong ng “how do you distinguish
a Pinoy from…” o “what is a Pinoy,”
,madaling masagot yan. At hindi kailangang negatibo
ang sagot tulad ng “a Pinoy always has abo.”
Ang
sagot: Pinoy ka kung mahilig/magaling kang kumanta.
|