BAKIT
pag may okasyon na may alak, ang malagihay nating
isinisigaw ay ang mga salita ng ating mga mananakop:
Toast (USA); kundi man, Kampai (Japan), Salud (Spain),
Cheers (UK)? Tapos, mag-uumpugang-baso ang magkakatabi.
Ang iba, itataas na lang ang kanikanilang hawak na
baso o kopita.
Bakit wala ba tayong sariling salita para sa mga ito?
Pero, sabi sa mga aklat pangkasaysayan, naobserbahan
ng mga naunang prayle at Kastila na sobrang hilig
ng mga Pinoy sa alak. Mula umaga hanggang gabi, nakita
ng mga dayuhan na bahagi ng buhay ng mga Pinoy ang
pag-inom.
Kung ganito ang kaugalian ng ating mga ninuno sa pag-inom,
bakit wala tayong alam na salita para sa toast, cheers,
kampai o salud? Nalimutan na ba natin ang salitang
ito dahil sa lakas ng impluwensya ng dayuhang wika?
O, wala talaga?
Ang sagot ay makikita sa pamamaraan ng pag-inom ng
ating mga ninuno.
Umiinom ng alak (tuba, lambanog, basi, tapoy, atbp.)
ng ating mga nuno at maging sa kasalukuyan (gin, rum,
beer sa pitsel, gin pomelo, atbp.) sa pamamagitan
ng iisang baso lamang. Ito ang tinatawag na tagay
o tagayan.
Isang taga-tagay ang magsasalin ng alak sa isang baso.
Iaabot niya ito sa isang kasali o nakaumpok sa inuman.
Agad na iinumin ito ng inabutan ng baso. Kung mabagal
ang kanyang pag-inom, kung ano-anong kantyaw ang kanyang
aabutin.
Magtagal na sa suso, wag lang sa baso.
Matapos makainom, iaabot ang baso sa taga-tagay. Ang
iba, bago iabot sa taga-tagay, maglalagay muna ng
tubig, iinumin nang bahagya, paiikutin sa baso ang
natirang tubig, at saka itatapon na parang gustong
sabihin na nilinisan na niya ang baso. Pero matapos
ng ilang ikot ng tagay, malilimutan na rin ang malinis
na gawing ito.
Magsasalin uli ang taga-tagay; na para bang sukat
na sukat niya ang bawat tagay dahil halos pantay-pantay
ang bawat tagay. Ipapasa ang bagong tagay sa susunod
na nakaumpok. At, paikot na maabutan ng alak ang bawat
isang naroroon, babae man o lalaki.
Sa katunayan, sa gawi ng Quezon, bantog na kilala
ang kababaihan na mas malakas tumagay kaysa sa kalalakihan.
Habang umiinom ang may hawak ng tagay, walang patid
naman ang huntahan, awitan, pagbabaraha, pamumulutan
o kung ano pang mapagkakaaliwan. Sa kasalukuyan, videoke
ang pinakapopular.
Ang problema ay ganito: kung ikaw ay isa sa mga nakaumpok
at gusto mong mag-propose ng toast, papaano mo magagawa
ito samantalang iisa ang baso?
Papaano kayo makakapag-umpugang baso kung iisa ang
baso?
Hawak mo ang baso, gusto mong mag-alay ng papuri sa
sinumang nakaumpok doon, anong uri ng toast ang gagawin
mo?
Ang kadalasang mangyayari ay tatayo ka na lang at
bibigkas ng papuri, sabay taas ng nag-iisang baso,
tungga ng lamang alak, at pasa-balik sa taga-tagay.
Ano ang gagawin ng ibang walang hawak na baso? Syempre,
makikinig; at mag-re-react batay sa binitawan mong
pananalita. Siguro, magsisigawan, matatawa, kakalampag
ng mesa, magtatapikan, kakamayan ka, o kung hindi
nila nagustuhan ay kakantsawan ka; kung hindi man,
aawayin ka.
Sa gayon, walang toast na mangyayari.
Balik tayo sa tanong. Bakit wala tayong salita para
sa toast, kampai, salud, cheers? Kasi, wala talaga
dahil iisa lang ang baso sa kinagawian nating pag-inom.
Nang dumating ang mga dayuhan at ang kaugalian nilang
makipag-inuman na may kanikaniyang baso, doon pa lamang
nauso ang pag-toast.
Siguro nga mas mainam ang uminom sa sariling baso,
mas healthy. Pero pag may tama ka na, kahit kanino
pang baso yan, iinuman mo. At sinong nagsabi na healthy
ang paglalasing?
In moderation, ok lang, sabi nila. Kaya para sa moderate
drinking, itinataas ko ang aking baso at nagsasabing…
ano na nga ba ang gagamitin kong salita? Toast? Kampai?
Salud? Cheers?
Kahit ano pa man yan, ang pinaka-common na salita
sa inuman ay hindi ang mga yan. Bagkus, ang salitang
HIK!
Kung meron kayong gustong ipasulat tungkol sa common
traits ng mga Pinoy, mangyaring mag-email sa one_philippines@yahoo.com.
Halimbawa: bakit basta na lang tayo nagtatapon ng
basura, bakit tayo nag-iiwan ng isang pirasong ulam
sa bandehado kapag tayo’y kumakain, bakit may
tabo, etc.
|