I  Home  I  Entertainment  l  Lifestyle  l  Business  l  Places  l  Music  l  Sports  l  News  l
 
Advertise
Advertise
 
Paalam Manash, Bai, at Koyang
 

Remembering Direk Joey, Yoyoy, and Kuya Cesar with their Top 10 hits

TATLONG pinagpipitaganang haligi ng Pinoy Pop Culture ang pinatahimik at pinuslit ni kamatayan sa pamamagitan ng cardiac arrest. Hindi na sila mag-iingay, tapos na ang kontrata, yun lang at babu! Narito ang aking Top 10 tribute ng kanilang best works at kay Kuya Cesar naman, Top 10 ng kanyang paboritong tugtugin na hango sa kanyang lingguhang programa, Sa Bawat… Ng Awit na napapakinggan sa DZMM.

Ang kabaklaan ni Direk Joey

ANG Chinoy na si Direk Joey Gosiengfiao ay nagsimulang magdirek ng mga di makakalimutang pelikula ng dekada 70. Tayo ay kanyang pinatawa, pinaiyak at pinamangha sa mga high-camp niyang pelikula na nagtataglay ng karurukan ng kaalembongan at kabaklaan. Narito ang listahan ng mga pelikulang paborito ko na ginawa ni direk Joey. Parang dirty ice cream, bulalo at turon, hindi sila mawawala sa ating panglasa at pangkalahatang kultura.

10. Lulubog, Lilitaw sa Ilalim ng Tulay. Ang kauna-unahang pelikula ni Niño Muhlach na kasama niya ang kanyang tita na si Amalia Fuentes.

9. Takbo Vilma Dali. Ang kauna-unahang art-house suspense thriller ni Ate Vi.

8. Lipad, Darna, Lipad! Ang kaunaunahang pagganap ni Ate Vi sa Darna franchise. Dito rin mapapakinggan ang mga unforgettable lines ni Celia Rodriguez na gumanap na Valentina. “Sino ba yang babaeng mababa ang lipad?” habang tinuturo ni Valentina si Darna na nagtatambling sa himpapawid. “My name is Dr. Valentina Vrandakapoor, Ph.D. in Reptilian Zoology, University of New Delhi,” ang kanyang unforgettable introduction line.

7. Ang Boyfriend kong Baduy. Staring ang guwapong si Orestes Ojeda, isang promdi pero may pusong busilak na pinagsasamantalahan sexually nina Amalia Fuentes, Barbara Perez at Celia Rodriguez. Mula sa popular na awitin ng grupong Cinderella kung saan namayagpag ang Manila Sound noong dekada 70.

6. Katorse. Isa sa mga kaunaunahang Dina Bonnevie films kung saan siya sumikat. Kasama din niya dito si Gabby Concepcion bilang kontrabidang binata.

5. Nympha. Remake ng isang bomba classic na pinasikat ni Merle Fernandez. Si Alma Moreno ang gumanap sa bersyong ito bilang isang babaeng manyak.

4. Bedspacer. Isang sex drama na naganap sa isang boarding house sa university belt sa Recto. Kasama sina Alma Moreno, Rio Locsin, Amy Austria, Laurice Guillen, Al Tantay at Mark Gil.

3. Underage. Isang coming-of-age movie tungkol sa tatlong magkakapatid na itinakwil ng tadhana. Starring Dina Bonnevie, Snooky at Maricel Soriano.

2. Ang Kambal sa Uma. Mula sa isang serialized na nobela sa komiks, kung saan gumanap si Rio Locsin ng isang higanteng daga na naghahasik ng peste sa kanayunan.

1. Temptation Island. Ang obra maestra ni Direk Joey na pinagsama-samang maritime disaster, beauty contest at magic realism. Hindi pa tinutubuan ng bulbol si Pedro Almodovar, nagawa na ni Gosengfiao ang ginagawa pa lang ngayon ni Pedro Almodovar sa kanyang mga pelikula. Dito umani ng kritikal na tagumpay si Direk Joey, na sa hanggang ngayon, halos 25 taon na ang nakakaraan, hindi malimot-limutan ng mga bakla ang mga linya mula sa pelikulang ito, katulad ng: “Once a waiter, always a waiter.” “I don’t know bout chu, but diz pantee stays right where it iz.” “Bitch!” “Double bitch!”

Ang pinagpagurang kabaduyan ni Yoyoy

SA kabilang dako, pinagsikapan ni Yoyoy Villame ang kanyang pagiging baduy. Baduy sa mga mata ng mga mapang-aping sosyalera at matapobre, ngunit baduy sa nakakatawang hindi nakakainis na pamamaraan.

Minsang nang naging tsuper ng bus sa tinubuang bayan ng Bohol, si Yoyoy ay nagtatag ng isang combo-rondalla na ang tanging kasapi ay mga tsuper at kundoktor. Napansin ito ng top management at sa bandang huli, nagtatag ng recording studio ang may-ari ng bus at ika nga ng marami, “the rest is history.” Nahuli ni Yoyoy ang kiliti ng mga masa tulad ng nga pawisang pahinante at nagbabanat-butong tripolante sa pamamagitan ng kanyang mga likhang awitin. Sa ating bayan, siguro mas maraming nakakakilala sa kanya kumpara sa intelektuwal na kompositor tulad ni Lucrecia Kasilag.

Ang sumusunod na Top 10 hits ni Yoyoy ay nakaukit na kamalayan ng Pinoy. Kung di nga iisiping si Yoyoy ang sumulat, pwede na silang pumasa bilang traditional folk songs, tulad ng “Bahay Kubo.” Huwag din nating kalilimutan ang kanyang contemporary na si Max Surban, isa ring Bisaya na naka-duet ni Yoyoy at madalas ding makasama sa mga palabas sa probinsya. Bagamat ang mga hit records ni Bai ay isinatitik niya sa Tagalog, marami siyang komposisyon na isinulat sa Sugbuanon at Bisaya. Nahirapan akong pumili ng Top 10 dahil sa daan-daan niyang obra bilang mang-aawit, kompositor, arranger at manunugtog.

1. Butse Kik. Ang lyrics nito ay mga pinagsama-samang pangalang ng tindahan ng mga Intsik sa Binondo.

2. Granada. Mula sa popular na awiting Kastila na hinaluan ng glosaryo ng iba’t ibang armas at nakakamatay na sandata.

3. Diklamasyon (Magellan vs. Lapu-Lapu). Isa sa mga kauna-unahang spoken word recording sa wikang Cebuano.

4. Laban-Bawi (Visaya). Laban-laban, bawi-bawi ayyyyyyyy! Na ginamit sa isang segment ng popular na noontime show.

5. Mag-exercise Tayo. Ang music video nito ay sinalihan ng mga senior citizen na nag-e-exercise sa Luneta. Popular ito noong panahon ng sumikat ang kantang “Let’s Get Physical” ni Olivia Newton-John.

6. Philippine Geography (When Magellan Discovered Mactan). Halos dito natutunan ng mga bata ang kanilang history at geography.

7. Sabi Barok Lab Ko Dabiana. Mula sa soundtrack ng pelikula na kapareho ng titulo, na kasama si Balot, Tange at Dabiana.

8. Eleven Indians. Hango sa “One, little two, little three, little Indians…”

9. Kuratong Baleleng. Medyo politikal ang tema nito at malungkot ang kanyang melody. Maayos ang pag-areglo ng gitara at may pait ang pagkakaawit. Inaalay niya ito kay Ping Lacson.

10. Tili-Ling Tili-Ling. Kung papakinggan mo ang lyrics nito, isang tao lamang ang papasok sa isip mo. Yung na nga. Siya na nga iyon. Ang babaeng may sayad na nasa larangan ng politika.

Ang di malilimutang tinig ng inyooooonnnggg Kuuuuuyyyaaaa Ceeesssaarrrr

AT para naman kay Kuya Cesar. (Basahin ang sentence na ito sa loob ng isang minuto.) Marami siyang pinaligaya sa kayang programa sa madaling araw o graveyard shift sa DZMM, “Itooooooooooo annnnnngggggggg iiiiiiiiinnnnnnnyyyyyyyyyyoooonnnngggg Kuuuuuuuuuuuuuuyyyyyyyyaaaaaaaa Ceeeeeeeeeeeeesaaaaaaaaaarrrrrrrrrrrrr.” Tuwing Linggo naman umeere ang kanyang musical retrospective program, “Sa Likod ng Bawat Awit,” kung saan maaari kang mag-request ng mga awitin na hindi mo na naririnig.

Maraming nagsasabi na bagay si Kuya Cesar na maging announcer ng PBA at karera ng kabayo. Kaya lang, baka tapos na ang laban, nasa first quarter pa rin siya sa bagal niyang magsalita. Ang mga contemporary ni Kuya Cesar ay si Tiya Dely Magpayo, na hanggang ngayon ay rumerepeke ang boses mula sa tore ng DZRH sa Star City.
Ito ang sampu ng mga paboritong awitin ni Kuya Cesar, mga cover versions ng mga kantang pinasikat ni Diomedes Maturan, Celia Lagman at Engelbert Humperdink:

1. Till the End of Time
2. Rosalinda
3. Oh My Papa
4. Theme from The Love Story
5. Rose Tattoo
6. Tennessie Waltz
7. Quando, Quando, Quando
8. Crazy
9. The Last Waltz
10. Release Me

Sadyang nakakalungkot ang pagpanaw ng mga haligi ng Pinoy Pop Culture. Sa pamamagitan ng internet, sound-bites, recordings at DVD, habang-buhay natin silang makakapiling. Nawa’y madiskubre sila ng mga susunod pang henerasyon.

Si Ige Ramos ang principal designer ng Ige Ramos Design Studio na nagse-specialize sa paggawa ng mga libro katulad ng nobela, antolohiya, at coffee table books. Ang kanyang lingguhang food column na pinamagatang “Bandehado” ay lumalabas sa tabloid na Bandera. Makokontak si Ige sa 1B Plaza San Luis, Calle Real y Gen. Luna, Intramuros, Manila, Filipinas 1002, tel. +632 527.0530,
mobile +63 916.526.6874, email ige.ramos@gmail.com.

 
 
l  About us  l  Gallery  l  Contact us  l  Links  l  Archive  l  Be a Publisher  l  Advertise  l  Classified  l
Copyright 2006. All Rights Reserved